Pagpaparusa sa lasenggo, babaerong mga mister, kinatigan sa Kamara
Pinuri ni Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva ang desisyon ng Korte Suprema na panagutin ang mga psychologically abusive na mga asawa.
Ayon kay Villanueva, napapanahon ang Supreme Court ruling sa selebrasyon ng World Mental Health Day.
Sa desisyong pinonente ni retired Associate Justice Edgardo Delos Santos, kinatigan ng kataas-taasang hukuman ang misis na nagpatotoong tiniis niya at ng kanyang mga anak ang pagiging lasenggo at babaero ng mister sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Sa ilalim ng RA 9262, o ang Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act, ipinagbabawal ang anumang mental o emotional torture sa kababaihan at kanilang anak.
Ang sinumang asawa na mahahatulan sa ilalim nito ay makukulong ng hanggang walong taon at pagmumultahin ng P100,000.
Sa Kamara, may panukala si Villanueva na kapareho ng intensyon ng SC ruling, ang House Bill No. 577 o ang Anti-Marital Infidelity Bill. (James Cruz)