“Pagsipa sa pwesto sa health office chief ng Montalban kaduda-duda” – LAHAT MAY TAMA ni RICKY BROZAS
Nangangamoy malansa ang nakatakdang pag-alis sa puwesto sa pinuno ng Municipal Health Office sa bayan ng Rodriguez, Rizal na si Dra. Carmela Javier.
Batay sa mga nanggagalaiteng residente ng Montalban, wala silang ibang makitang dahilan para alisin sa kanyang puwesto si Dra. Javier kundi ang politika at di mawari na kapritso ng namumuno sa lokal na pamahalaan.
Ano ba sa palagay ninyo mga sir at Ma’am, na sulsol sa pag-alis kay Dra, trip trip lang ang paglilingkod bayan ninyo?
‘Yung pobreng Ale ay isinakripisyo ang kanyang private practice na di hamak mas malaki ang kanyang kikitain para tumugon lamang sa kahilingan ng pamahalaan ng Rodriguez na maglingkod-bayan bilang Municipal Health Office Head pero ngayong napamahal na sa kanya ang pagkalinga sa kalusugan ng mga residente ng Montalban, sa gitna pa naman ng pandemya ay saka siya sisipain sa puwesto para ilipat sa Itatauo umanong COVID Center.
Natural lamang kay Dra. Javier ang taos-puso na paglilingkod sa mga taga-Rodriguez dahil siya ay lehitimong residente mismo ng bayan. Ang pag-alis kay Dra. Javier para italaga sa COVID Center sa infirmary sa isang Brgy. na sakop din ng Montalban ay marahil hindi katanggap-tanggap, insulto at demotion sa kanyang propesyon at kapasidad.
Anong meron mga boss bakit kailangan ninyo itong gawin sa mahusay na duktor ?
Talaga naman sa mundo na ginagalawan natin minsan ‘di mo mawari ang mga lider na personal na intereses lamang ang iniisip kaysa doon sa totoong public servant.
Sabagay di naman cheap si Dra. Javier para patulan pa ang mga maruruming galawan sa politika dahil sa totoo lang ang rurok ng mandato ng kanyang propesyon ay magligtas ng buhay ng tao anuman ang kanilang estado sa buhay.
Pero hindi rin natin paliligtasin ang mga wala sa hulog na pasya ng mga kinauukulan, kailangan din pumalag minsan para malaman nila ang tama at mali sa di makatarungang pagpapasya.
Alam natin na diskresyon ng alkalde ng Montalban ang magtalaga ng trip niya ilagay sa poder pero kung wala namang paglabag sa tungkulin na ginawa ang isang Dra. Javier ay talagang sasagi sa isipan ng mga pinaglilingkuran nito na siya ay biktima lamang ng political persecution.
Samantala, kayo pong mga napamahal na sa serbisyong hatid ni Dra. Javier ay tiis-tiis muna, hindi dito nagtatapos ang usapan dahil nalalapit na naman ang susunod na halalan, may kapangyarihan kayo na magpasya kung tama pa ba o hindi ang wisyo ng mga nanunungkulan opisyal diyan sa inyo, dahil kung sa tingin ninyo hindi na, abay dapat sigurong palitan na!, simple lamang naman ang Formula para sa mahusay na lingkod bayan, matuwid, matapat, at tumutugon sa pangangailangan ng kanyang nasasakupan tulad ng pangangailangan sa pagsiguro ng kalusugan.
Sa ibang mga lideres diyan, mapa-lokal man o nasyonal na pamahalaan, huwag natin gawing trip-trip lang ang paglilingkod sa bayan, dahil pag nagkataon lahat tayo ay tatamaan.
Pahabol…adik lang ang nagtitrip, huwag tularan!