Pagkakaroon ng “silent majority” sa ilalim ng pamumuno ni Velaso posible ayon sa isang political analyst
Nahahati ngayon ang mayorya sa Kamara dahil sa mga pangako umano ni House Speaker Lord Allan Velasco na pawang napako.
Nabatid na hindi nagustuhan ng mayorya ang ginawang pagtanggal ni Velasco sa mga Deputy Speakers at Committee Chairman dahil bukod taliwas ito sa kanyang sinabi noong unang araw nang maupo bilang speaker.
Ayon sa mga dismayadong mambabatas, ang mga inalis sa pwesto ay pawang tunay na nagtatrabaho at nagpasa ng priority measures ni Pangulong Duterte kabilang ang Bayanihan 1 at 2.
“All talk lang si Speaker, malayong malayo kung ikukumpara natin sa nakaraang leadership. Sya ang nagiging cause ng division among the super majority” ayon sa isang mambabatas.
Sinabi ni Political Analyst Mon Casiple na talagang magkakaroon ng silent majority sa liderato ni Velasco dahil sa dami nang kanyang napangakuan na hindi lahat ay mapagbibigyan, tiyak umano na sa mga susunud na araw ay mas marami pang sibakan ang mangyayari para i-accomodate ang mga kaalyado ng bagong liderato.
Hindi anya maiiwasan na mayroon pa ring mga supporters si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na nasanay sa kanyang estilo ng pamamahala na biglang naiba nang maupo si Velasco.
Aminado ang political expert na hindi magiging madali ang pamumuno ni Velasco dahil palagian itong ihahambing sa naging paraan ng pamumuno at nagawa ng nauna sa kanya, giit pa nito na ang magiging malaking challenge sa Velasco leadership ay patunayan na may kakayahan itong mamuno at kayang ipagkaisa ang mga mambabatas na mula sa ibat ibang partido.
Inasahan ng mga mambabatas ang pangako ni Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte na sila lang ni Cayetano ang magpapalitan ng pwesto at babaguhin ang Chairman ng House Committee on Accounts gayunpaman isang araw pa lamang sa pwesto ay agad nitong tinanggal si Camarines Sur Rep.Lray Villafuerte na sinundan din ng pagkakasibak bilang Deputy Speaker kina Batangas Rep. Raneo Abu, Capiz Rep. Fredenil Castro, Laguna Rep. Dan Fernandez gayundin ang pagtanggal kay Kabayan Rep Ron Salo biang kinatawan ng Kamara sa Electoral Tribunal.
Ang pinakahuling natanggalan ng pwesto ay si Bulacan Rep Jose Antonio Sy-Alvarado na pinalitan ni Diwa Partylist Rep Michael Aglipay, brother-in-law ni DPWH Secretary Mark Villar, bilang Chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ang nasabing komite ang syang nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga mahahalagang isyu ng bansa.
Alinsunud sa direktiba noon ni Cayetano ay inimbestigahan ng komite ni Sy-Alvardo ang anomalya sa Philhealth, ang iregularidad sa pamamahagi ng Social Amelioration Program, ang mataas na presyo ng kuryente ng Meralco sa panahon ng pandemic, ang sitwasyon ng mga Filipino migrants sa gitna ng COVID-19 crisis, ang ABS-CBN franchise renewal at 2021 national budget.
Nagbigay daan ang ginawang imbestigasyon para bumilis ang pamamahagi ng SAP, bumaba ang singil sa kuryente at naging mabilis ang paguwi ng mga OFWs.
Si Alvarado ay isa 70 mambabatas na bumoto laban sa pagbabalik ng prangkisa ng ABS-CBN at sya ding namuno sa franchise hearing ng network kasama ang Committee on Legislative Franchises.
Ang mga bumoto laban sa ABS-CBN franchise ang syang inalisan ng pwesto ni Speaker Velasco habang binigyan ng pwesto ang mga sumusuporta sa giant network kabilang na sina Deputy Speaker Lito Atienza at Rufus Rodriguez.
Para sa isang pag analyst na si Vic Endriga, malabo na mapagkaisa ni Velasco ang mga mambabatas dahil ngayon pa lamang ay maugong na ang kudeta laban dito kung saan maugong na mas nais ng mga mambabatas na maupo bilang House Speaker si Majority Leader Martin Romualdez (Lakas-Kampi-CMD) habang maugong din ang pangalan nina Cavite Rep Pidi Barzaga (NUP)at Sagip Partylist Rodante Marcoleta na naging matunog ang pangalan matapos na pangunahanan ang pagtutol sa ABS-CBN franchise.