Pagiging epektibo ng face masks nababawasan kapag basa
Bumababa ang “effectiveness” o bisa ng face mask kapag nababasa ang mga ito.
Iyan ang paaala ng Department of Health o DOH sa publiko hinggil sa paggamit ng mga face mask, lalo ngayong sunod-sunod ang bagyo at pag-ulan.
Sa virtual press briefing, sinabi ni Health Usec at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire na ang mga face mask ay isa sa mga paaraan para maiwasan ang COVID-19.
Ang face mask ay mabisa para ma-filter ang organismo o virus na gaya ng COVID-19.
Kaya kapag nabasa na ang face mask, sinabi ni Vergeire na kailangan palitan na ito, mapa-surgical man o telang face mask.
Pinaalalahanan din ni Vergeire ang mga lokal na pamahalaan na bigyan ng bago at malinis na face masks ang mga taong pumapasok sa mga evacuation center maging ang mga hindi nakapag-dala ng face mask.
May mga evacuee kasi na basang-basa na ang mga face mask pero patuloy na ginagamit ang suot nila.
Maliban naman sa pagsusuot ng face mask, patuloy ang paalala ni Vergeire na pairalin sa mga evacuation center ang mga minimum health standards gaya ng social distancing.
Babantayan din ng DOH kung tataas ba ang mga kaso ng COVID-19 dahil sa sitwasyon sa evacuation sites.
Aniya, ang “spike” o pagtaas sa mga kaso ay makikita tatlo o apat na linggo mula sa kasalukuyan.
Kaya mahalaga na huwag bumitaw sa pagsunod sa health protocols. (RB)