Pagbebenta sa produktong may label na “Manila, Province of China” ipinagbawal sa mga establisyimento sa Maynila
Inabisuhan ni Manila Bureau of Permits Director Levi Facundo ang lahat ng business owners sa lungsod na bawal na magbenta ng ‘Ashley Shine Beauty Products’ lalo na kung ito’y may address na “Manila, Province of China”
Ito ay matapos mapag-alamanan ng Food and Drugs Authority (FDA) na ang nasabing produkto ay hindi dumaan sa “verification process” at walang nailabas na “proper authorization” para ito ay kilalanin na isang produktong pampaganda.
Ayon kay Facundo, ito ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa katawan, partikular na sa buhok, kung gagamitin.
Dagdag pa niya, mali ang address na nakalahad sa kahon ng Ashley Shine Beauty Products dahil sa tinawag nito ang Lungsod ng Maynila na Probinsya ng Tsina.
Ang Ashley Shine Beauty Products ay ginawa ng kumpanyang Elegant Fumes Beauty Products Inc. na may opisina sa Binondo, Maynila.
Ang sinumang mahuling nagbebenta ng nasabing produkto ay maaaring maharap sa parusang pagpapasara ng negosyo o di kaya ay cease and desist order.
Pinayuhan naman ni Facundo ang publiko na maging maingat sa tuwing bibili ng mga pampaganda, at siguraduhing ito ay beripikado ng FDA.
Aniya, sa oras na bawiin ng FDA ang lisensya ng Elegant Fumes Beauty Products Inc., tuluyan nang ipagbabawal ang pagbebenta ng mga produkto nito sa Lungsod ng Maynila.
Matatandaang ipinagutos ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso” ang pagpapasara ng apat na establisimiento ng Fumes Beauty Products Inc. noong nakaraang linggo.
Ayon kay Domagoso, hindi kailanman naging bahagi ng Tsina ang Maynila sa anumang lathalain dahil ito ang kapitolyo ng bansang Pilipinas.