Out of School Youths hinikayat na tangkilikin ang Special Program for Employment of Students Law
Hinimok ni Senador Sonny Angara ang kabataan partikular ang mga naapektuhan ng COVID 19 pandemic na tangkilikin ang mga trabaho sa ilalim ng Republic Act 10917 o ang Expanded Special Program for Employment of Students Law upang makabalik sila sa pag-aaral.
Ipinaliwanag ni Angara, mayakda ng RA 10917 sa Senado, na ang batas ay napapanahon ngayong pandemic dahil uapng matulungan ang mga pamilyang nawalan ng trabaho dahil sa lockdown.
Una nang inihayag ng Department of Education na inaasahan nilang ang mas mataas na bilang ng out-of-school youth na posibleng umabot sa apat na milyon dahil sa COVID 19 pandemic.
Batay sa 2017 Philippine Statistics Authority data, siyam na porsiyento o 3.53 milyon ng 39.2 Pinoy na may edad 6 hanggang 24 anyos ang OSYs.
Sa naturang numero, 83.1 percent ang mga edad 16 hanggang 24; 11.2 percent ang 12 hanggang 15 anyos at 5.7 percent ang 6 hanggang 11 anyos.
Ang SPES ay nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa kwalipikadong indibidwal mula 20 hanggang 78 araw.
Itinaas din ang age limit sa programa na mula sa 15 hanggang 25 anyos ginawang 15 hanggang 30 anyos.
Sinabi ni Angara na ang halagang makukuha ng mga kabataan mula sa SPES ay makakatulong sa pagtustos nila sa mga gastusin sa kanilang pagaaral. (Dang Garcia)