One-seat apart rule sa mga PUV ipatutupad na ng DOTr
Iniutos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang agad na pagpapatupad ng “one-seat apart” rule upang madagdagan ang kapasidad sa pampublikong transportasyon.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga miyembro ng gabinete ang mga rekomendasyon ng Economic Development Cluster (EDC) para umusad ang ekonomiya.
Paalala ni Tugade sa mga ahensya na sumunod sa “OPLAN AIR” o Add routes/PUVs, Increase speed/capacity, Reduce travel time ng DOTr na magiging batayan ng pagbuo at pagpapatupad ng mga inisyatibo upang dagdagan ang kapasidad ng pampublikong transportasyon,.
Iniutos din ni Tugade na agarang ipatupad ang “one-seat apart” rule upang maitaas ang kasalukuyang kapasidad ng mga PUV, unti-unting dagdagan pa ang kapasidad, o payagang magkakatabi ang mga pasahero—basta’t mayroong plastic barrier sa kanilang pagitan, o ‘di kaya ay ang paggamit ng UV lights para sa disinfectoion.
Maglalabas ng clarificatory memorandum circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maipaliwanag ng husto ang panuntunang “one-seat apart”.
Maliban dito, inatasan din ni Tugade ang LTFRB na magbukas ng mga karagdagang ruta ng pampublikong transportasyon at payagang bumiyahe ang mas maraming “roadworthy units”, kabilang na ang mga city at provincial bus gayundin ang mga public utility jeepney.
Kailangan na din aniyang payagan ang pagbabalik-biyahe ng mga transport network vehicle services (TNVS) at taxi.
Sa ilalim ng kasalukuyang patakaran, walang limitasyon sa bilang ng mga taxi at TNVS na maaaring mamasada basta’t ang mga ito ay accredited ng mga Transport Network Companies (TNCs).