Office personnel sa MRT-3 depot pinagsuot ng PPE
Para maiwasan ang pagkahawa at maproteksyunan ang mga depot personnel laban sa banta ng COVID-19, ipinag-utos ng pamunuan ng MRT-3 ang mahigpit na palagiang pagsusuot ng full personal protective equipment (PPE), kasama na ang face shield, face mask at gown.
Ito ay matapos isailalim sa ‘enhanced access control’ ang MRT-3 depot office dahil sa 36 na depot personnel at 6 na tauhan ng Sumitomo-MHI-TESP na nagpositibo sa COVID-19, na agad namang isinailalim sa quarantine.
Sa ilalim ng ‘enhanced access control,’ tanging mga personnel lamang na nag-negatibo sa RT-PCR swab test ang pinapayagang makapasok sa opisina.
Kailangan ding magpasa ng health declaration form dalawang beses sa isang araw ang mga empleyado upang ma-monitor ang kanilang kalagayan at kalusugan.
Bukod pa rito, nagkakaroon din ng temperature check para sa mga empleyadong papasok at lalabas ng depot.
Hindi na pinapayagang pumasok sa loob ng depot ang mga personnel na mayroong temperaturang 37.8 degrees Celsius pataas. (D. Cargullo)