NTC pinaiimbestigahan ang pro-Bong Bong “emergency alerts”
Ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pag-iimbestiga sa emergency alerts na nagsulputan sa paghahain ng kaniyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-pangulo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Inatasan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba si Director Imelda Walcien ng Regulation Branch na agad magsumite ng report at rekomendasyon pagkatapos makumpleto ang kanilang imbestigasyon.
Nagkaroon ng emergency alerts sa mga mobile phones sa Sofitel Hotel sa Pasay City, hindi para sa lindol o bagyo, kundi para suportahan si Marcos.
Una nang itinanggi ng NDRRMC na may kinalaman sila sa insidente.
Ayon sa NDRRMC ang kanilang emergency alerts ay para lamang sa kalamidad.