“No-El” pipigilan ng multi-sectoral group
Mahigit isang taon pa bago ang 2022 Presidential elections, naglatag na ng mga kwalipikasyon ang isang multi-sectoral group para sa mga nagnanais kumandidato.
Binubuo ng grupong FPJPM, FEJODAP, Peoples Movement Against Poverty, National Labor Union, Philippine Organization of Free Labor Union, inisa-isa ng Philippine Patriotic Movement ang mga problemang kakaharapin ng susunod na presidente, bise presidente, mga senador at Party List Representatives.
Ayon kay Mr. Butch Cadsawan, Lead Convenor ng PPM, hindi nila papayagan na ‘di matapos ni Duterte ang kanyang termino at handa silang pigilan ang anumang pwersa na magtatangkang pabagsakin ang gobyerno.
Dapat umanong may malinaw na plataporma ang mga nagnanais maging lider sa malaking suliranin ng bansa.
Kabilang na umano dito ang pagtugon sa problema sa COVID-19, bagsak na ekonomiya, malaking bilang ng mga walang trabaho, mataas na bilihin, pagtugon sa maayos na kalusugan, problema sa West Philippine Sea at maraming iba pa.
Magsasagawa umano ng consultation ang Philippine Patriotic Movement sa iba’t ibang lugar sa bansa upang kunin ang pulso ng bayan kung sino sa mga kakandidato ang dapat nilang suportahan.
Nilinaw naman ni Cynthia Villarin ng PMAP, wala pa silang ini-endorso sa kasalukuyan subalit posible nila itong gawin sakaling makita na nila ang hinahanap na kwalipikadong kandidato.
Para naman kay David Diwa ng National Labor Union, kakausapin nila ang mga kakandidato para pakinggan ang mga ilalatag na solusyon sa mabigat na sitwasyon ng bansa.
Samantala, sa kabila ng mga problemang kanilang inilatag, nagawa pa rin nilang bigyan ng 8 out of 10 na score si Pang. Rodrigo Duterte sa loob ng limang taon niyang pamumuno sa bansa.