NLEX maniningil na ulit sa mga Toll Plaza na sakop ng Valenzuela
Simula alas 12:01 ng tanghali ngayong Miyerkules (Dec. 16) tapos na ang umiiral na toll holiday sa NLEX na sakop ng Valenzuela City.
Ibig sabihin, maniningil na muli ng bayarin sa toll matapos ang conditional lifting sa suspension order sa business permit ng NLEX Corporation.
Ayon sa Valenzuela City LGU, napagkasunduan ng lokal na pamahalaan at ng NLEX Corporation ang pagpapatupad ng ilang polisiya sa mga toll plaza na sakop ng lungsod.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
– Pagtataas ng barriers sa lahat ng RFID lanes sa mga toll plaza na sakop ng Valenzuela City mula alas 5:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi araw-araw
– Ibababa ang barriers pagsapit ng alas 10:01 ng gabi hanggang alas 4:59 ng madaling araw sa lahat ng RFID lanes
– Pagbabalik ng cash lanes sa strategic locations sa mga toll plaza sa lungsod
– Magpapatupad ng upgrade sa RFID system at account management hanggang sa January 30, 2021
– Paglikha ng technical working group na bubuuin ng City Government at NLEX personnel para magpatupad ng traffic at account management initiatives