NDRRMC itinangging may kinalaman sila sa ipinadalang “Emergency Alert” nang maghain ng COC si dating Sen. Bongbong Marcos
Kagaya ng emergency alert na natatanggap ng publiko kapag may sama ng panahon o kapag nakaranas ng malakas na pagyanig, ganitong alerto din ang natanggap ng mga nasa loob ng Sofitel sa Pasay City nang maghain ng certificate of candidacy si dating Sen. Bongbong Marcos.
Ipinadala ang Emergency Alert sa mga mamamahayag na mayroong nakasulat na mga kataga hinggil kay Marcos at may hashtag na BBM2022.
Nangyari ito ilang minuto bago ang pagdating sa Sofitel ni Marcos para ihain ang kaniyang COC sa Comelec.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Ricardo Jalad walang kinalaman ang ahensya sa naturang ‘emergency alerts’.
Ang NDRRMC kasi ang nangangasiwa sa pagpapadala ng mga emergency alerts kapag may kalamidad.
Sinabi ni Jalad na dumadaan sa mga telco ang ipinadadalang emergency alert ng NDRRMC.
Ngayong araw, sinabi ni Jalad na ang tanging emergency notifications na inilabas ng NDRRMC ay kaugnay sa mga rainfall warnings.
Sinabi ng NDRRMC na umaasa silang aalamin ng National Telecommunications Commission ang nangyari. (DDC)