Munisipyo ng Pinamalayan, Oriental Mindoro natupok
Nasunog ang munisipyo ng Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Ayon kay Pinamalayan Mayor Aristeo Baldos Jr., wala namang nasugatan sa nangyaring sunog.
Wala din aniyang dapat na ipangamba, dahil naisalba ang mga mahahalagang dokumento at halos lahat ay mayroong database para sa back-up files.
Kabilang sa naisalba ang mahahalagang dokumento ng Assessors Office, kasama ang mga Tax Declaration, titulo, at iba pa.
Naisalba din ang Database ng Tax Payers Record sa Municipal Treasury Office.
Mayroon namang back-up at kayang i-produce ang lahat ng files na nasunog sa BAC Office.
Nailigtas din ang lahat ng mahahalagang dokumento ng Engineering Office.
At may back-up files ang DTI ng mga dokumentong nasunog.
Tinatayang nasa P50 milyon ang halaga ng pinsala ng sunog.
Sa kabila nito ikinalungkot ng alkalde ang pagkatupok ng lumang gusali ng Pamahalaang Bayan.
Sa kabila ng nangyari, tuloy aniya ang serbisyo ng Pamahalaang Bayan para sa mga residente nito.