Munisipyo ng Baggao, Cagayan, dalawang sub-offices isinailalim sa lockdown
Isasailalim sa sampung araw na lockdown ang munisipyo ng bayan ng Baggao sa Cagayan at dalawang sub-offices nito sa Tallang at Poblacion.
Ang lockdown ay simula June 1 hanggang 10, 2021 makaraang magpositibo sa COVID-19 ang 27 empleyado nito.
Habang ipinatutupad ang lockdown ay magkakaroon ng Work From Home (WFH) arrangements para sa mga empleyado upang maipagpatuloy parin ang mga importanteng transaksyon at reports, maliban sa mga nasa frontline services at mga emergency offices.
Magkakaroon din ng Mass Testing sa lahat ng empleyado ng munisipyo at sa mga barangay na may mataas na kaso ng COVID-19, at magsasagawa rin ng malawakang disinfection sa susunod na linggo.
Una nang napaulat na nagpositibo sa COVID-19 ang alkalde ng Baggao na si Mayor Joan Dunuan na nakuhanan ng larawan at video kamakailan na nakikipagsayawan at nakikipagkasiyahan sa maraming tao.