Monthly average cost ng broadband sa Pilipinas higit na mababa sa global average
Higit na mas mababa kumpara sa global average ang halaga ng broadband sa Pilipinas.
Batay sa survey na isinagawa ng cable.co.uk umaabot lang ng US$53.71 kada buwan ang average broadband cost sa bansa.
Mas mababa ito sa global average na US$78.14 para sa 211 na iba pang mga bansa.
Ayon sa survey, ang US$0.75 Average Cost ng Broadband per megabit per month sa Pilipinas ay pang-labingwalo sa apatnapu’t dalawang Asian countries, pang-labingapat sa tatlumpu’t limang Asia-Pacific countries at pang-anim sa sampung ASEAN countries.
Sa Asya, ang Macau, Singapore at Hong Kong ang nanguna sa rankings na mayroong Average Cost of Broadband (per megabit per month) na US$0.30, US$0.40 at US$0.50.
Sa Asia-Pacific naman, ang Singapore (US$0.04), Russia (US$0.10) at Thailand (US$0.12) ay pawang least expensive.
Ang Singapore, Thailand at Vietnam na mayroong average cost na US$0.17 ang itinuturing na ASEAN’s best.
Ang mga bansa naman na may pinamakataas na average cost ng broadband ay ang Afghanistan (US$70.45), Marshall Islands (US$148.01) at Timor-Leste (US$14.91).
Ngayong taon inaasahang ang kumpetisyon sa presyuhan ng Telco broadband dahil sa pagpasok ng DITO Telecommunity na nakatakdang ilunsad ng pormal sa March 2021.
Dahil sa pagpasok ng DITO, ang Globe at Smart ay kapwa nagtaas na ng kanilang capital expenditures ngayong taon.
An Globe ay nagtakda ng 2021 capex na aabot sa P90 billion, habang ang Smart naman ay P92 billion.
Ito na ang pinakamataas na CAPEX para sa dalawang kumpanya sa nakalipas na anim na taon.
Batay naman sa plano ng DITO, gagastos ito ng P150 billion para sa infrastructure roll-out.
Magugunitang batay sa internet testing at data analysis ng Ookla noong December 2020 lumitaw na nakapagtala ng 297.47% na improvement sa download speed sa bansa para sa fixed broadband at 202.41% na improvement para sa mobile broadband.
Ang average download speed naman sa bansa para sa fixed broadband ay patuloy ding bumubuti mula sa 7.91Mbps noong July 2016 patungo sa 31.44Mbps noong December 2020.
Habang ang average download speed para sa mobile broadband ay bumuti rin mula sa 7.44Mbps noong July 2016 patungo sa 22.50Mbps noong December 2020. (D. Cargullo)