MMDA nagsagawa ng massive swab testing sa kanilang mga tauhan
Sinimulan na ngayong araw (Jan. 25) ang massive swab testing sa mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Alinsunod ito sa utos ni MMDA Chairman Benhur Abalos.
Sumailalim sa swab test ang 100 miyembro ng Traffic Discipline Office na layuning malaman ang estado ng kanilang kalusugan para rin sa kaligtasan ng taong kanilang nakakasalamuha sa pagganap ng tungkulin.
Ang RT-PCR test ay isasagawa sa mga field personnel ng ahensya – gaya ng traffic enforcers, mga street sweepers, at clearing teams.
Sila kasi ang maituturing na pinaka-expose sa panganib ng COVID-19 dahil sa dami ng kanilang mga nakakaharap sa araw-araw na pagtatrabaho.
Sa direktiba ni Abalos, bibigyan ng prayoridad ang kaligtasan ng mga kawani ng ahensiya at kanilang pamilya laban sa COVID-19. (D. Cargullo)