Mga trabahador sa Maynila, babakunahan din kontra COVID-19 kahit hindi residente sa lungsod
Hindi lang taga-Maynila ang maaaring mabakunahan konta COVID-19 sa lungsod.
Ito ang pahayag ni Mayor Isko Moreno Domagoso habang inilalatag ang plano ng Manila LGU hinggil sa COVID-19 vaccines.
Giit ng alkalde, maraming mga manggagawa at mamimili sa Maynila ang galing sa mga kalapit na lungsod at probinsya na nangangailangan din ng proteksyon laban sa nakamamatay na sakit.
Pero paglilinaw ni Mayor Isko, prayoridad pa rin ang mga residente ng Maynila.
Dagdag pa ng alkalde, mahalaga ang pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan at ng pamahalaang nasyunal upang tuluyang masugpo ang COVID-19 sa bansa.
Kaugnay niyan, handa ring bumili ng karagdagang bakuna ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila bukod sa 800,000 doses mula sa AstraZeneca na nakatakdang makuha ng lokal na pamahalaan.