Mga residente sa Sorsogon na nabiktima ng Bagyong Tisoy tumanggap ng tulong mula ay Sen. Bong Go
Mahigit 2,000 residente na nabiktima ng hagupit ng Typhoon Tisoy sa Sorsogon ang tumanggap ng tulong mula kay Senator Christopher “Bong” Go.
Nagtungo ang team ng senador sa Sorsogon City para ihatid ang tulong sa 2,128 na biktima ng bagyo kabilang ang mga pagkain, food packs, masks, face shields, at vitamins sa distribution activities na ginanap sa Barangay Pangpang Gymnasium.
Isa ang residenteng si Jovelyn Lagasca na nawalan ng tirahan dahil sa bagyo sa mga nakatanggap ng tulong.
“Nagpapasalamat po ako sa inyo, Senator Bong Go, pati po kay President Duterte sa tulong pong nakarating sa amin. Kahit malayo kami, napuntahan niyo po at naabutan niyo po ng tulong,” ayo kay Lagasca.
Si Lagasca ay isang mananahi, subalit dahil sa pandemya, bibihira aniya ang mga nagpapatahi kaya maliit ang kaniyang kita.
May ilang piling benepisyaryo din na nakatanggap ng bisikleta na maari nilang magamit sa pagpasok sa trabaho dahil sa limitadong public transportation.
Habang may ilan ding nabigyan ng sapatos, at computer tablets na magagamit naman ng mga bata sa blended learning.
“Patuloy po ang aking pagtulong sa abot ng aking makakaya, at hindi lang po tulong ang gusto kong dalhin dito sa Sorsogon. Gusto ko pong makapag-iwan ng kaunting ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati,” ayon sa pahayag ng senador.
May mga kinatawan din mula sa National Housing Authority na nagbigay ng tulong-pinansyal sa mga residenteng nawalan ng tirahan sa ilalim ng emergency housing assistance program ng ahensya.
Samantala, kasabay ng pagibsita sa Sorsogon City ay nagsagawa na din ng monitoring visit ang senador sa Malasakit Center sa Dr. Fernando Duran Sr. Memorial Hospital sa lungsod.
Doon ay namigay din ng face masks at face shields, vitamins, packed meals at grocery packs ang senador sa mga pasyente. Ilang frontliners din ang nabigyan ng sapatos, bisikleta at computer tablets.
Nagbigay din ang Department of Social Welfare and Development ng financial assistance at grocery packs sa mga pasyente.
Ayon kay Go, ang Malasakit Center ay one-stop shop kung saan ang DSWD, Department of Health, PhilHealth at Philippine Charity Sweepstakes Office ay pinagsama-sama na sa iisang opisina.
Ito ay para mas pamadali ang paghingi ng tulong ng mga pasyente at kanilang kaanak.
“Hindi niyo na kailangan pumila at mag-ikot pa sa iba’t ibang opisina. Nasa iisang kwarto na po sa loob ng ospital mismo ang mga ahensya ng gobyerno na tutulong sa inyong pampagamot,” paliwanag ni Go.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health, tiniyak ni Go sa mga frontliners at mahihirap na prayoridad sila sa sandaling maging available na ang COVID-19 vaccine sa bansa na ligtas at inaprubahan ng Food and Drug Administration.
“Pag nandiriyan na ‘yung vaccine na bibilhin po ng gobyerno, hindi po mahuhuli lalung-lalo na po ‘yung mga frontliners, mga senior citizens at nasa vulnerable sectors, at lalung-lalo na po ‘yung mga mahihirap,” pagtitiyak ng senador.
Muli ring hinikayat ng senador ang publiko na palagiang sundin ang health protocols para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Pinasalamatan naman ni Go ang mga local government officials sa Sorsogon, kabilang sina Governor Francis Escudero, Sorsogon City Mayor Ester Hamor, at Representative Alfred delos Santos ng Ang Probinsyano Partylist. (D. Cargullo)