Mga residente ng Parañaque tutol sa pagtatayo ng cell site ng Dito

Mga residente ng Parañaque tutol sa pagtatayo ng cell site ng Dito

Naghain ng petisyon ang mga residente ng isang subdivision sa Parañaque upang patigilin ang pagtatayo ng cell site ng Dito Telecommunity Corp. dahil sa epekto nito sa kalusugan at kaligtasan.

Sa kanilang petisyon na inihain sa barangay, mariing tinututulan ng mga residente ng Welcome Village, San Antonio Valley 1, Parañaque ang cell site at nagsabing bigo ang Dito na talakayin at ipakita sa kanila ang mga detalye ng cell site kabilang ang taas at bigat nito lalo na sa mga nakatira sa 50 hanggang 150 radius.

Anila, walang naganap na pag-uusap mula sa Dito tungkol sa isyu ng kalusugan at kaligtasan ng cell site.

Dagdag nila, hindi sinagot ng Dito site engineer ang kanilang mga email kung saan hiningi nila ang mga dokumento ukol sa magiging epekto ng cell site sa kalusugan at kaligtasan ng mga residente.

Binanggit nila na ang Food and Drug Administration (FDA) ay naglabas ng isang advisory noong Setyembre 3, 2020 ukol sa radiation na nagmumula sa mga cell site kung saan sinabi ng ahensiya na bago dapat magtayo ng antenna ng cell site, kailangan itong dumaan sa ebalwasyon upang masiguro ang kaligtasan.

Dagdag ng mga residente, ipinipilit ng Dito ang pagtatayo ng cell site maski na hindi pa nalalaman kung ano ang magiging epekto nito sa kanilang kalusugan.

Anila, nagsimulang itayo ng Dito ang cell site noong Oktubre 2020 ngunit ang mga kailangan permiso mula sa gobyerno ay na-iisyu lamang ngayong taon.

Ang electronics permit ay na-isyu lamang noong Enero 6 at ang building at electrical permit na na-isyu noong Pebrero 19.

Nagtatayo ng Dito ng cell site sa Ipil-ipil Street ng subdibisyon ngunit ayon sa mga residente, hindi sila kinonsulta kung sila ba ay payag dito.

Ayon pa sa kanila, sa certificate of non-coverage na inisyu noong Hunyo 1, 2020 ng Environmental Management Bureau (EMB) sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), iba ang nakalagay na address ng istruktura. Ito ay sa 45 Sunrise Drive, Fourth State, Parañaque City.

Sinabi nila sa petisyon na hangad nila na iwasan ang anumang pagkasira o pagkawala ng mga pag-aari at buhay na maaaring maging dulot ng cell site kung may mangyaring sakuna tulad ng bagyo.

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *