Mga pulis at sundalo sa Bohol napagkalooban ng bahay
Sa pakikipag-ugnayan sa National Housing Authority (NHA), nai-turnover na ni Senator Christopher “Bong” Go ang 500 housing units para sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa Bohol.
Sa kaniyang speech ibinahagi ni Go na ang St. Michael Village housing project na itinayo sa 3.36-hectare na lupain sa Brgy. Songculan, Dauis, Bohol ay patunay sa layunin ng Duterte administration na maiangat ang buhay ng mga uniformed personnel at kanilang pamilya.
Sa kaniyang pahayag kinilala din ni Go ang krusyal na ginagampanan ng mga otoridad sa kampanya laban sa korapsyon, illegal drugs, at iba pang krimen.
Nagpasalamat naman si Go sa NHA sa pagtugon sa atas ni Pangulong Duterte na itaas ang sukat ng lote ng kada bahay mula sa 40 square meters patungo sa 80 square meters.
Maliban sa housing units, binigyan din ng NHA ng tulong ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng kanilang Emergency Housing Assistance Program.
Ang awarding ceremony para sa housing units ay pinangunahan ni Go sa Brgy. Songculan Covered Court.
“Sa mga sundalo at pulis, salamat talaga sa inyong serbisyo… kayo rin ang tinatawag na frontliner sa panahon ngayon. Hindi talaga mababayaran ang inyong sakripisyo,” ayon kay Go.
Noong siya ay Special Assistant to the President, isinulong ni Go ang pagtataas ng sweldo ng mga uniformed personnel na bahagi din ng campaign promise ni Pangulong Duterte.
“Makakaasa kayo na patuloy naming susuportahan ni Pangulong Duterte ang lahat ng mga programa at inisyatibo na naglalayong mapabuti ang pamumuhay ng ating mga kasundaluhan, pulis, at mga kawani ng gobyerno. Asahan niyo na patuloy kaming magsisikap para sa inyo sa abot ng aming makakaya hanggang matapos ang aming termino,” dagdag ng senador.
Samantala, namahagi din ang team ni Go ng meals, masks, face shields, at vitamins sa mga benepisyaryo.
May mga nakatanggap din ng bagong pares ng sapatos, bisikleta at computer tablets.
Nanawagan naman si Go na ipasa na ang kaniyang panukalang batas na Senate Bill No. 203, o National Housing Development, Production and Financing Act of 2019.
Sa ilalim ng panukala, gagawing institutionalize ang housing program na makatutulong sa pangangailangan ng mga mamamayan.
“Hangarin ko na wala nang squatter sa sariling bayan. Gusto kong magkaroon ang bawat pamilyang Pilipino ng isang maayos at disenteng bahay,” ayon kay Go na siya ring Vice Chair ng Senate Committee on Housing.
Inihain din ni Go ang Senate Bill No. 1227, o ang Rental Housing Subsidy Program Act of 2019 na layong magtayo ng housing at social protection program para mabigyan ng desenteng pamumuhay ang mga Informal Settler.
Samantala nagpaalala si Go sa mga dumalo sa aktibidad na patuloy na sumunod sa COVID-19 prevention measures.
“Kung gusto nyo maabrihan ang turismo ninyo og mubalik na sa una, pagsalig lang kamo sa bakuna pero samtang dili pa normal ang kinabuhi nato, magtinabangay lang ta. Kinsa pa diay magtinabangay kung dili kita lang man na nagkahiusa na katawhang Pilipino, magtinabangay lang ta og wala nay lain,” pahayag pa ni Go.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health hinikayat ni Go ang mayroong medical concern na lumapit sa Malasakit Centers na nasa Governor Celestino Gallares Memorial Hospital sa Tagbiliran City at sa Don Emilio del Valle Memorial Hospital sa Ubay, Bohol kung kailangan nila ng medical assistance.
Ang Malasakit center ay one-stop shop kung saan naroroon ang mga ahensya ng gobyerno na maaring malapitan para sa tulong.
“Sa mga kamag-anak niyo, magsabi lang kayo. Kung hindi kayang operahan dito sa Bohol, kung kailangan ninyo ng tulong sa Maynila, Heart Center, Lung Center, Kidney Center, sa mga transplant, magsabi lang kayo sa opisina namin ni Presidente Duterte, kami na ang magpapa-ospital sa mga kamag-anak ninyo,” ani Go.
Sa nasabi ring pagbisita, namahagi si Go na tulong sa 200 magsasaka at mangingisda at 30 mga rebel returnee sa bayan naman ng Dauis.