Mga Pinoy na tumalon sa sinasakyan nilang barko nang maganap ang pagsabog sa Lebanon, ligtas lahat ayon sa DFA
Natagpuan na ang lahat ng 13 Filipino seafarers na naapektuhan ng pagsabog sa Beirut, Lebanon.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) kinumpirma na ng embahada ng Pilipinas sa Beirut na nakita na ang lahat ng 13 Filipino seafarers.
Lahat sila ay ligtas matapos ang pagsabog.
“Our Embassy in Beirut has ascertained the conditions of all the 13 Filipino seafarers who were injured in the blasts that rocked the city recently,” ayon kay Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Y. Arriola.
Ang 13 ay nauna nang napaulat na nawawala matapos ang dalawang pagsabog sa Beirut.
Binisita na ni Philippine Embassy Beirut Charge d’affaires Ajeet Panemanglor ang mga Pinoy sa lugar kung saan sila pansamantalang kinakanlong ng kanilang kumpanya.
Lima sa kanila ay nasa ospital para sumailalim sa check-up.
Nakadaong sa pantalan ang sinasakyang barko na Orient Queen ng mga Pinoy nang mangyari ang pagsabog.