Mga Pinoy na-tanso kay Duterte ayon sa grupong FATE
“Kung si Hidilyn Diaz ay nag-uwi ng ginto para sa bansa, kay Pangulong Duterte naman na-tanso tayo!”
Ito ang naging pahayag ni Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) Spokesperson Jo Perez sa halos tatlong oras na huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes.
Binigyang-diin ni Perez na sa napakahabang pahayag sa SONA ng Pangulo ay hindi niya binanggit ang tunay na kalagayan ng bansa at wala rin siyang inilatag na malinaw na programa kung paano aahon ang Pilipinas mula sa krisis na kinakaharap dahil sa COVID-19 pandemic.
“Na-tanso tayo dahil sa dami ng ipinangako niya noong kampanya, ay halos wala tayong maramdamdan na natupad niya sa loob ng kanyang administrasyon,” pahayag ni Perez.
Inihalimbawa nito ang pangakong tatapusin ang katiwalian, problema sa iligal na droga at kriminalidad.
Sinabi ni Perez na kung pagbabatayan ang Global Corruption Index ng Transparency International, noong 2020 ay nasa ika-115 pwesto ang Pilipinas sa 180 bansa pagdating sa kampanya kontra katiwalian matapos itong bigyan ng 34/100 na grado. Mula ito sa ika-95 pwesto noong 2015.
Sa usapin naman ng kriminalidad, sinabi ni Perez na “Wala nang krimen? Safe nang maglakad sa kalye? Nangyari ba ito? I don’t think so.”
At pagdating sa kampanya laban sa iligal na droga, iginiit ni Perez na maging si Pangulong Duterte ay aminadong hindi ito kayang sugpuing tuluyan.
Pero tulad ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, naniniwala ang FATE na kaya at may solusyon na maaaring ilatag laban sa droga kung gagawin ang holistic approach.
Ipinaliwanag ni Perez na sa ipinapanukala ni Sotto, hindi lamang ang enforcement at prosecution ang dapat tutukan, kundi maging ang prevention at rehabilitation.
Sa ganitong paraan, maipapaalam sa publiko kung bakit hindi kinakailangang gumamit ng droga at matutulungang bumalik sa normal ang mga nabiktima ng paggamit nito.
“Hindi naman kasi pwedeng puro enforcement lang, prosecution lang. Kailangan din kasi natin ng prevention at rehabilitation kasi ito ang nagiging puno’t dulo kung bakit napakarami nang umaabuso sa droga,” diin ni Perez.
Muling binigyang-diin ng grupo na si Sotto ay hindi lamang alternatibong kandidato at sa halip ay best candidate para sa Vice Presidential race.
“Actually hindi lang tatlong K kundi apat na K ang taglay ni SP Sotto para sa kanyang kandidatura. Ito ay ang kanyang Karanasan, Kakayanan, Katapangan at Katapatan,” diin ni Perez.