Mga kaalyado ni Velasco sa Kamara tinaasan ng budget; kaalyado ni Cayetano binawasan
Nakatanggap ng mas mataas na budget ang mga kaalyado ni House Speaker Lord Allan Velasco sa Kamara habang binawasan naman ang budget ng mga kaalyado ng pinalitan nitong si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Napansin ito ni Senator Panfilo Lacson, partikular sa mga inilaang pondo sa ilalim ng budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Lacson na nang magkaroon ng palitan sa liderato ay nagkaroon ng pagbabago sa inilaang mga pondo.
Kapansin-pansin ayon sa senador na nagrehistro ng dagdag sa pondo ang mga malalapit sa bagong speaker at nakaltasan naman ang malalapit sa dating speaker.
Kabilang sa tinukoy ni Lacson na nagkaroon ng budget cut ay si Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte.
Habang nadagdagan naman ang budget sa mga lalawigan ng Albay at Benguet.
Ani Lacson, wala namang naging pagbabago sa budget sa distrito ni Cayetano.
Una nang pinuna ni Lacson ang masyadong mataas na budget sa ilang distrito at sobrang baba sa iba.
Ang ibang distrito aniya ay tumanggap ng hanggang P15.351 billion habang may distrito na P620 million lang ang budget.