Mga empleyado ng MRT-3 isinailalim sa mass swab testing
Nagsagawa ng mass swab testing sa mga empleyado ng MRT-3.
Dahil kinakailangang isailalim muna sa swab test ang mga empleyado, limitado lamang ang kapasidad ng MRT-3 sa pagbabalik nito sa operasyon araw ng Lunes, April 5.
Kabilang sa nagpasailalim sa swab test si MRT-3 Director for Operations Michael J. Capati.
Kasunod ito ng direktiba ni Transportation Secretary Arthur P. Tugade, na siguruhing ligtas sa COVID-19 ang mga empleyado ng sektor ng transportasyon sa muling pagbubukas ng operasyon ng mga ahensiya matapos ang annual Holy Week maintenance activities.
Ang lahat ng empleyado ng MRT-3 ay sasailalim RT-PCR swab testing, sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG).
Tanging mga empleyado na nag-negatibo sa COVID-19 ang pinapayagang pumasok sa depot office at sa mga istasyon.
Sa kabilang banda, ang mga nagpostibo sa COVID-19 at mga close contact nito, mga naghihintay ng resulta at mga personnel na mayroong sintomas ay hindi pinapayagang makapasok sa MRT-3 premises upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Mahigpit pa ring ipinatutupad ang pagsusuot ng full-gear PPE, regular na temperature checking, at pagsa-submit ng health declaration forms sa mga empleyado sa depot at mga istasyon ng tren.