Mga batang edad 5 pataas pwede nang lumabas sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ at GCQ
Pinayagan na ng Inter-Agency Task (IATF) ang mga batang edad 5 taong gulang pataas na lumabas ng kanilang mga bahay para sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) at General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi kabilang dito ang mga lugar na nasa ilalim ng heightened restrictions.
Ani Roque, ang mga batang edad 5 pataas sa GCQ at MGCQ areas ay pinapayagan nang magtungo sa mga outdoor area gaya ng parks, playgrounds, beach, biking at hiking trails, outdoor tourist sites at iba pang outdoor attractions.
Pwede na rin sila sa outdoor non-contact sports courts at venues, at al-fresco dining establishments.
Hinid pa rin naman sila pwede sa mga mixed use indoor/outdoor buildings at facilities gaya ng mga mall at iba pang kahalintulad na lugar.
Kailangan ding may kasama silang nakatatanda kapag lalabas at kailangang sumunod sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face masks at pagsunod sa social distancing.
Binibigyang kapangyarihan naman ang lokal na pamahalaan na itaas ang age restriction sa mga bata depende sa COVID-19 situation sa kanilang nasasakupan. (Dona Dominguez-Cargullo)