Metro Manila mananatili sa GCQ; Iligan City isinailalim sa MECQ
General Community Quarantine (GCQ) pa rin ang iiral sa Metro Manila sa loob ng isang buwan.
Ito ang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang pulong sa Inter Agency Task Force kagabi.
Sa kaniyang anunsyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na maliban sa Metro Manila, iiral pa din ang GCQ sa Bulacan at Batangas.
Gayundin sa Bacolod City at Tacloban City sa Visayas.
Isinailalim naman sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Iligan City.
Ang nalalabi pang bahagi ng bansa ay sasailalim na lamang sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Ang bagong quarantine measures na inanunsyo ni Roque ay iiral simula ngayong araw, Sept. 1 hanggang sa Sept. 30.