Mayor ng Siayan, Zamboanga Del Norte at tatlong iba pa pinakakasuhan ng NBI
Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong graft laban sa dating former mayor ng Siayan, Zamboanga Del Norte at dalawang empleyado ng munisipyo.
Inirekomenda din ng NBI na makasuhan ng Obstruction of Justice ang kasalukuyang alkalde ng nasabing bayan.
Ayon kay NBI Officer-in-Charge (OIC)-Director Eric B. Distor ang mga inirekomendang makasuhan ay sina dating Mayor Flora Lagrina Villarosa, 2 empleyado na sina Ana Dotar Marco at Jennifer Saldon Pumicpic, at ang incumbent Mayor na si Josecor Gepolongca.
Sinabi ni Distor na ang rekomendasyon ay kasunod ng ilang buwang imbestigasyon na isinagawa ng NBI-Anti Graft Division (NBI-AGD).
Nakatanggap ang NBI ng anonymous letter of request kaugnay sa pagkakaroon umano ni Villarosa ng mga negosyo, real estate properties, mga sasakyan at malaking halaga ng pera.
Si Villarosa ay naging mayor ng Siayan, Zamboanga Del Norte mula 2010 hangang 2019.
Itinatago din umano ni Villarosa ang kaniyang yaman sa pamamagitan ng dummy accounts at gumagamit ng pangalan ng ibang tao sa kaniyang mga negosyo.
Si Marco naman ay umamin umano na dahil kaibigay niya ang dating mayor ay pumayag siya na magamit ang pangalan niya bilang dummy sa negosyo ni Villarosa na “MIDWAY GAS STATION” at “MIDWAY ENTERPRISES”.
Batay sa naging imbestigasyon ng NBI-AGD natuklasan na ang MIDWAY GAS STATION at MIDWAY ENTERPRISES AND MERCHANDISE ay mayroong transaksyon sa munisipalidad ng Saiyan na aabot sa mahigit P32 million ang halaga.
Nang hingin ng NBI-AGD ang mga Bidding Documents ng Municipality ng Saiyan ay ipinagbawal naman ni Mayor Gepolongca ang paglalabas ng mga ito.
Dalawang memoranda ang inisyu ni Gepolongca na nagbabawal sa mga empleyado ng Municipal Government of Siayan na iproseso ang ang mga request para sa public documents kabilang na ang request ng NBI.
Maliban sa graft, si Villarosa pinakaksuhan din ng Perjury at Falsification of Public Documents.