Mayor Isko Moreno hiniling sa Simbahang Katolika ang plano para sa Simbang Gabi
Nananawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa mga opisyal na Simbahang Katolika na maglatag na ng plano para sa “Simbang Gabi” na hudyat ng Pasko.
Ayon kay Moreno, marapat na maaga pa lamang ay mayroon nang hakbang ang mga lider-Simbahan kung papaanong ligtas at maayos na maidaraos ang Simbang Gabi sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19.
Sinabi ni Yorme na tradisyon na ang Simbang Gabi para sa mga Katoliko.
Taon-taon ay pinaka-aabangan ang Simbang Gabi na ginagawa tuwing Disyembre, ngunit iba aniya ang magiging sitwasyon ngayon dahil sa pandemya.
Ayon kay Moreno, handa ang lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan at makipag-usap sa mga church official upang maisaayos ang mga kailangang gawin para sa Simbang Gabi at hindi masakripisyo ang kaligtasan ng publiko.
Samantala, sinabi ng alkalde na makikipag-usap na rin ang Manila LGU sa pamunuan ng Simbahan ng Quiapo para naman sa pagdiriwang ng Traslacion 2021.
Hihingi rin aniya ang lokal na pamahalaan sa Quiapo Church ng mga plano, dahil kailangang pag-aralan at plantsahin ito ng maaga lalo’t may mga bagay na hindi umano kayang ma-kontrol sa panahon ng pandemya.
Ani Yorme, pinaka-importante para sa pamahalaang lungsod ng Maynila ngayon ay ang kapakanan at kalusugan ng mga mamamayan, lalo’t naririyan pa rin ang banta ng COVID-19.