‘MayniLOVE’ inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Maynila
Sa pagpasok ng love month ay pormal na inilunsad ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang ‘MayniLOVE’ sa Mehan Garden.
Ang ‘MayniLOVE’ ay isang Valentine’s event na layong matulungan ang maliliit na negosyo na maka-recover sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“We’re trying to do our best to generate sales, to generate businesses, so that we can protect whatever is left with regard to jobs or create more jobs. Whether it is temporary or permanent opportunity for every Manileño, we will do so,” ayon sa alkalde.
Hinikayat ni Moreno ang publiko na bisitahin ang Mehan Garden upang makatulong na din sa mga stall owner na kumita.
Mayroong 35 booths na kalahok sa ‘MayniLOVE’ kung saan maaring ma-enjoy ng publiko ang
candlelight dining experience with pianist at violinist, scented candles, photobooth, at bulaklak.
Hinimok naman ni Manila City Vice Mayor Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, ang mga magtutungo sa lugar na sundin ang safety protocols.
“Sa simpleng disiplina ay maipadadama po natin ang ating pag-ibig sa isa’t isa at malasakit natin sa ating mga kapwa hindi lamang mga Pilipino, mga Manileño, kung hindi po ang mga dumadayo dito sa Maynila,” ayon kay Lacuna-Pangan.
Ayon kay Bureau of Permits Director Levi Facundo, mahigit 200 trabaho ang nalikha sa MayniLOVE event.
Karamihan sa natulungan ay ang industriya ng magbubulaklak.
Ang ‘MayniLOVE’ ay bukas sa publiko mula February 1 hanggang 15, alas 4:00 ng hapon hanggang alas 11 ng gabi araw-araw. (D. Cargullo)