Maynila tatanggap ng karagdagang doses ng Sinovac vaccine
Tatanggap ng karagdagang doses ng bakuna laban sa COVID-19 ang lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, 3,000 doses ng Sinovac ang tatanggapin ng Manila Health Department (MHD) mula sa Department of Health (DOH).
Plano ng Manila LGU na ibigay na ang 1,500 vials ng Sinovac vaccine sa ibang healthcare workers na dapat ay para sa second dose ng unang batch ng medical frontliners na nabakunahan noong nakaraang linggo.
Ayon sa alkalde, nagpadala na rin ng sulat ang Manila Health Department sa DOH upang kanilang malaman kung ilang AstraZeneca vaccines naman ang ibibigay sa kanilang lungsod.
Agad ibabahagi ang mga bakuna sa mga medical frontliners na pawang mga senior citizens alinsunod sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force.
Muling nilinaw ng alkalde na hindi niya pipilitin ang mga medical frontliners kung anong bakuna ang gusto ngunit anuman ang dumating na brand ng bakuna ay agad nilang ipamamahagi upang hindi masayang.