“May sakuna sa gitna ng pandemya, kailan tayo matututo?” – LAHAT MAY TAMA ni RICKY BROZAS

“May sakuna sa gitna ng pandemya, kailan tayo matututo?” – LAHAT MAY TAMA ni RICKY BROZAS

Mga sakuna sa gitna ng pandemya, kailan tayo matutoto?

Hindi na bago sa atin sa Pilipinas na bayuhin ng mga bagyo taon-taon, sanay na ang karamihan sa ganitong senaryo kung saan kailangan lumikas ng mga nasa tinatawag na “danger zones” o yaong mga nakatira malapit sa dalampasigan, mga baybayin, flood at landslides prone areas.

Sa katunayan ang bawat munisipalidad, lungsod at mga Baranggay ay dapat may nakalatagang evacuation centers sa kani-kanilang mga nasasakupan, nakapaloob ito sa Republic Act 10121 o “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010”.

Sumatutal, nirerendahan ng naturang batas ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno mula sa national level hanggang sa Local Government Units na magplano, magtatag at maglatag ng mga polisiya na magagamit para paghandaan, pangalagaan at isulong ang mga nararapat na aksiyon na tutugon sakaling dumating o bago pa man manalasa ang mga bagyo, lindol, sunog at anupamang malawakang sakuna sa bansa.

Batid natin na may mga LGU nang tumugon sa naturang batas pero hindi malinaw kung ang bawat isa sa kanila at tumutugon sa “Standard operating procedures”para planuhin ang posibleng epekto ng paparating na kalamidad.

Sa palagay ko ay hindi. Dahil tila nabulaga ang karamihan sa mga LGU kung saan ipupuwesto ang daan-daan hanggang sa libu-libong pamilya na mga nagsilikas.

Siksikan ang karamihan sa mga Multi-purpose hall at mga covered courts na pansamantalang tinutuluyan ng mga nasalanta nitong mga nagdaang bagyong Ulysses at Rolly, tila nawala na sa isip ng mga bakwit ang banta ng pandemya dulot ng COVID-19.

Nakalulungkot isipin ang halos 70 mga nasawi ng bagyong Ulysses (Vamco) at dose-dosena naman ang nasugatan habang 12 ang nawawala, batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, linggo ng umaga.

Bakit kailangan may mamatay kung napaghandaan ng lubusan ang paparating na bagyo? Bakit kailangan gawin ang paglikas sa kasagsagan na mismo ng pagbayo ng malalakas na hangin at pagragasa ng baha?, Hindi ba’t may weather updates na inilalabas ang pag-asa na tumutukoy sa posisyon ng bagyo?

Sa wari ko ay hindi malinaw sa mga Local disaster Management Council kung ano nga ba ang papel na dapat nilang gampanan sa mga ganitong pagkakataon.

Bueno, malaking pagsasanay pa ang kailangan para mamulat ang mga katulad nila sa tungkulin na dapat nilang gampanan. Hindi ito ang panahon ng paninisi, subalit kailangan nating isipin ang pagiging maagap sa tuwing may paparating na sakuna para wala ni-isang buhay ang malagas.

Higit sa lahat, planuhin sana ng mga LGU at ng mismong NDRRMC hanggang sa Baranggay Disaster Management Bureau ang pangangalaga naman sa kalikasan. Ipaalam ninyo sa inyong nasasakupan ang tamang pagkalinga sa kapaligiran, dahil kung hindi natin seseryosohin ang usaping ito, lahat tayo ay tatamaan.

 

 

 

 

 

admin

admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *