May “respeto at hindi butangera” ang dapat na susunod na pangulo ng bansa ayon sa isang commuter group
Tapos na ang Pilipinas sa lider na palamura at hindi na dapat sundan ng isa pang lider na butangera.
Ito ang reaksyon ni National Center for Commuter Safety Protection Chairperson Elvira Medina sa posibilidad ng pagtakbo sa 2022 Presidential Elections ni Davao City Mayor Sara Duterte, aniya, kumpiyansa sya na hindi mananalo sa eleksyon ang alkalde resulta na rin ng palpak na administrasyon ng kanyang ama.
Sa sektor lamang umano ng mga commuters ay wala nang makukuhang suporta ang alkalde dahil sa ilalim ng Duterte administration ay hindi lang kalbaryo kundi purgatoryo ang naging karanasan ng mga ito dahil sa pagbawal sa makabiyahe ang mga provincial buses sa Metro Manila.
“Napakahirap ang buhay ng isang commuter ngayon at walang ginagawa ang pamahalaan,” pahayag ni Medina.
Inihambing pa ni Medina sa isang maruming bahay ang pamamahala ni Pangulong Duterte na tiyak na susundan ding yapak ni Mayor Sara, aniya hindi makakatulog ng mahimbing ang mga Filipino dahil na rin sa maruming pamamahay, kung nais umano ng administrasyon na maayos ang pagtakbo ng gobyerno ay unahin nitong linisin ang kanyang tahanan.
“Mayroon kang isang ama na walang ginawa kundi magmura, maghamon. Imbes na sabihin sama-sama tayong maglinis,” giit pa nito.
Malaki ang pananampalataya ni Medina na pagkaraan ng termino ng administrasyong Duterte ay aangat muli ang Pilipinas at mangyayari ito kapag hindi manalo si Mayor Sara.
“Hindi kailangan ng butangera. Ang kailangan is a person with respect. It is all over the videos, it is all over the place, their naughtiness. Nakita mo kung paanong pambubugbog sa isang tao na in authority. Kailangan ba natin ng taong ganun na butangera. I mean, show your intelligence, show your respect to the people, show your love for authority because that is one of the virtues that God has given to his people,” paliwanag ni Medina.
Nanindigan pa si Medina na hindi kailangan ng bansa ng isang gobyerno na umiikot sa patayan bagkus ang kailangan ng PIlipinas ay pagasa.
“Pagasa, hindi bala, yan ang isa sa mga battlecry namin, ngiti sa labi hindi luha ng pighati. We need to give our people hope because most of them have lost their hope,” dagdag pa nito.
Naniniwala din si Medina na dapat humingi ng patawad si Pangulong Duterte sa mga nangyaring patayan sa bansa sa loob ng kanyang termino.
“President Duterte should bow down to the Lord ask for His forgiveness so that the Lord can refresh people, the land and exonerate the people,” pagtatapos pa nito.