Matinding korapsyon sa mga LGU: Pahirap sa mga Telcos
Napag-alaman ni pangulong Rodrigo R. Duterte na ang matinding korapsyon at red tape sa mga LGU o lokal na pamahalaan ang sanhi ng mabagal na pagpapabuti at reporma sa mga serbisyo ng mga telcos sa bansa.
“It’s really corruption,” pahayag ng pangulo sang-ayon sa pakikipag-usap nito sa presidente at chief executive officer ng Globe na si Ernest Cu.
Nangyari ang pag-uusap matapos magbanta si Duterte sa ikalima nitong SONA na maaaring ipasara ng gobyerno ang mga higanteng telco na Globe at Smart kung matapos ang taon na walang magandang pagbabago sa mga serbisyo nito.
Inilantad ni Cu na katakot-takot na napakaraming permit at dokumento ang hinihingi pati na rin ang mga kung anu-anong mga bayarin ang sinisingil ng mga LGU sa Globe para ito ay mapahintulutang makapagtayo ng mga karagdagang telecommunication tower.
Ayon pa kay Cu ay inaabot nang walong buwan ang pagproseso ng mga permit, at pabagu-bagong rin ang mga permit na hinihingi kung kaya ay hindi na nila alam kung matutuloy pa ang mga proyekto ng Globe na magpapabuti sana ang mga serbisyo nito sa taumbayan.
“Isipin niyo lang ho ‘yun, sir, kung nag-apply kami ng 5,000 towers times 28 or 30 permits ay ilang libong permit ang kukunin naming para makapag-umpisa?”, sumbong ni Cu.
“Alam mo you can sk Bong (Sen. Bong Go), or Sonny (finance sec. Carlos Dominguez III) or the generals, kay [DILG] sec. Año. Isumbong ninyo na lang nang diretso,” mariing sagot ni Duterte.
Kasama ang pagtatayo ng mga telco towers sa programa na “ease of doing business” ng administrasyong Duterte na nagsusulong na mapabilis at maging simple ang mga proseso sa pagbibigay ng mga permit.