Kumakalat na COVID-19 virus sa Pilipinas at iba pang panig ng mundo, 3 to 9 times na mas ‘contagious’
Mas ‘contagious’ o mas nakakahawa ang kumakalat na COVID-19 virus hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa iba pang panig ng mundo.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ng Infectious Disease Specialist na si Dr. Edsel Salvana,
na miyembro din ng DOH Technical Advisory Group, 3 to 9 times na mas ‘contagious’ ang kumakalat ngayon na COVID-19.
Ito ay kung ikukumpara sa orihinal na virus na kumalat noong March 2020.
Ito ang unang dahilan ayon kay Salvana kung bakit mabilis ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa at iba pang panig ng mundo.
Isa rin ayon kay Salvana sa nakikitang dahilan ng World Health Organization (WHO) na dahilan ng pagtaas ay maaring naging kampante ang mga tao dahil sa pagkakaroon na ng bakuna.
Umaasa naman si Salvana na magtutuluy-tuloy na ang vaccination program sa bansa.
Aniya kung mababakunahan ang lahat ng mga itinuturing na “highest risk” ay malaki ang tsansang bababa sa mahigit 90 percent ang pagkasawi dahil sa COVID-19.