Manila City library muling binuksan sa publiko
Muling binuksan sa publiko ang Manila City Library.
Ito ay inayos at pinaganda sa loob ng ilang buwan, para mas mahimok ang mga Manileno lalo na ang mga kabataan na magtungo sa library ng lungsod.
Pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno ang paglulunsad ng Manila City Library na matatagpuan sa Taft Avenue sa Ermita.
Ayon kay Yorme, nagkaloob ng isang milyong pisong halaga ng mga libro ang St. Mary’s Publication sa lokal na pamahalaan na inaasahang magiging kapaki-pakinabang gaya sa mga kabataan at kahit sa mga nakatatanda.
Sinabi naman ni Jerry Catabiyan ng St. Mary’s publishing, apektado ang kanilang negosyo dahil sa COVID-19 pandemic pero pinakamabuti pa rin na tumulong sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga libro.
Bukod sa paglulunsad ng “bagong” Manila City Library, inilunsad din ang Manila Information Reference Onlince Service.
Ito ay virtual reference assistance na layong makatulong sa publiko kung may kailangan silang mga impormasyon, sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19.
Sinabi ni Moreno na hindi pwedeng isinantabi ang kahalagahan ng mga silid-aklatan, kaya naman pinagsumikapan na buhayin ito ng lokal na pamahalaan.
Kailangan din aniyang makipag-sabayan sa teknolohiya, dahil sa limitado pa rin ang galawan sa kasalukuyan dahil sa pamdemya. At ito ang iniaalok ngayon ng Manila City Library.
Apela naman ni Moreno sa mga mamamayan, sana’y manatili ang hilig nila sa pagbabasa kahit na naririyan ang makabagong teknolohiya.