Manila City LGU lumagda sa kasunduan para sa pagbili ng 800,000 doses ng COVID-19 vaccine
Lumagda na din sa kasunduan ang Manila City Government para sa pagbili ng COVID-19 vaccine sa kumpanyang AstraZeneca.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, gaya ng iba pang LGUs pumasok na ang Manila City sa Tripartite Agreement kasama ang National Task Force Against COVID-19, Department of Health (DOH) at AstraZeneca para sa advance purchase ng COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Moreno na 800,000 doses ang bibilhin para mabakunan ng dalawang doses ang 400,000 mamamayan ng Maynila.
Aabot aniya sa P200 milyon ang inilaang pondo para sa mga bibilhing bakuna.
Sinabi ni Moreno na maaring bumili din ng iba pang bakuna ang lungsod basta’t ito ay ligtas at sinertipikahan na ng Food and Drug Administration (FDA).