Mamamayan nagdurusa sa ‘trial and error’ sa pagtugon sa pandemya – “LAHAT MAY TAMA”

Mamamayan nagdurusa sa ‘trial and error’ sa pagtugon sa pandemya – “LAHAT MAY TAMA”

Araw na naman pala ng suweldo. Kung isa ka sa mapalad na tatanggap ng sahod ngayong araw o sa makalawa, aba’y masuwerte ka.

Malaking bagay sa bawat mamamayan ang may aasahang kita tuwing kinsenas ngayong panahon ng pandemya.

Ang iba nga o ‘di kaya naman ay karamihan sa napapabilang sa 10.0 percent na unemployment rate noon lamang July ng 2020 ay di alam kung saang kamay ng Diyos kukuha ng pangtustos sa pangangailangan ng pamilya araw-araw.

Take note, unemployment pa po lamang iyan ha, iba pa ang usapin ng mga naturingan ngang may trabaho però hindi pinapasok dahil apektado ang kompanyang pinapasukan sanhi ng pinaiiral na community quarantines.

Ang bilang nila salig sa July Labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay nasa 3.3 percent o katumbas ng 1.4 million employed Filipinos in July 2020.

7.1 milyong katao naman o 17.3 percent ang bilang ng underemployed nito ring Hulyo ng 2020.

Sabi ng PSA, ang pagtaas ng bilang ng underemployment ay dahil kailangan magbawas ng oras ng pasok sa trabaho ang isang kumpanya o di kaya naman ay sa paraan ng magkaibang working arrangement.

Nga pala, kaya buwan pa po ng Hulyo ang pinagbabatayan natin ay dahil hindi naman kagyat ang resulta ng mga datos ng gobyerno pagdating sa kalalagayan ng sektor ng paggawa sa bansa.

Sa makatuwid, marahil ay mas masalimuot ang istadistika sa buwan ng Agosto pagdating sa bilang ng mga binawasan ang oras o araw ng pasok sa trabaho, maging ang talagang nawalan ng hanap-buhay.

Sa mga nabanggit na numero ay hindi pa kabilang ang nasa hanay ng Overseas Filipino Workers(OFWs) at Seafarers.

At Alam niyo ba? maging ang talagang walang trabaho o di kailanman naghanap ng trabaho dahil sa katamaran, mababa ang pinag-aralan, o sa kung ano pamang dahilan ay sapul din ng epekto ng under at un-employment? Simpleng halimbawa, wala na kasing maibigay na pang yosi o pang tong-its si Kuya o ate sa kapatid na tambay!

Hindi lamang ang mismong sakit na dulot ng virus ang epekto ng COVID-19 sa sanlibutan, kundi maging ang kung tawagin ay domino effect nito sa ekonomiya, komersiyo at kultura ang nawindang.

Dito nasubukan ang Pilipinas kung gaano kahanda ang gobyerno natin para tugunan ang krisis. Halatang windang maging ang Kagawaran ng Kalusugan sa pagtugon sa problema. Animo’y nanganay ang halos lahat ng tanggapan ng pamahalaan na nakatoka sa pagsupil sa pandemya kung paano mapagtatagumpayan ang kalaban.

Mahabang panahon na ang inabot ng community quarantines sa Pilipinas, mistulang “trial and error” ang ating naging basehan. Indikasyon nang kawalan ng Kahandaan.

Habang pahaba nang pahaba ang lockdowns ay patindi naman ng patindi ang paghihirap ng mamamayan.

Nakapanglulumo ang patuloy na danyos ng pandemya, lalo pa kung hindi tayo makikibahagi para tugunan ang problema. Alalahanin natin na walang sinuman ang makaliligtas sa bagsik ng virus na ito, “directly o indirectly“ LAHAT AY MAY TAMA.

 

 

 

 

 

 

admin

admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *