Malakanyang hinimok ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak kontra tigdas
Hinikayat ng Palasyo ng Malakanyang ang mga magulang na pabakunahan kontra tigdas ang kanilang mga anak.
Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon kay Roque, ang bakuna kotnra tigdas ay isa sa mga pinakamatagal nang bakuna na ginagamit sa bansa.
Nauunawaan aniya ng palasyo ang takot ng ilan sa pagpapabakuna pero matagal na aniyang subok ang bakuna laban sa tigdas.
“Itong bakuna naman po sa measles, isa na ito sa pinakaluma at pinakamaagang ginagamit na natin. Naiintindihan po namin ang takot ninyo sa panahon ng COVID-19 at dahil marami kasi talagang nagkalat ng lagim doon sa mga ibang mga bakuna,” ani Roque.
Sinabi ni Roque na matagal nang panahong ginagamit sa bansa ang measles vaccine kaya walan dapat na ikatakot ang mga magulang.
“Pero itong measles naman po, matagal na pong ginagamit iyan so wala po kayong dapat ikatakot,” dagdag ni Roque.