Makalipas ang halos 6 na taon, mga labi ng 4 na Pinoy na dinukot at pinaslang ng ISIS sa Libya natagpuan na
Sa tulong ng mga otoridad sa Libya natagpuan na din sa wakas ang libingan ng apat na Filipino oil workers na dinukot at pinatay ng ISIS noong March 2015.
Inatake ng ng mga miyembro ng ISIS ang Ghani Oil Field sa southern Libya at dinukot ang apat na Pinoy kasama ang dalawa pang katrabaho nila na mamamayan ng Austria at Czech Republic at saka sila pinatay.
Ayon kay Philippine Embassy in Tripoli Chargé d’Affaires at Head of Mission Elmer G. Cato mula noon ay hindi na nalaman kung saan dinala ang mga labi ng mga biktima.
Noong 2017, isang video na nagpapakita ng pagpaslang sa kanila ang natuklasan sa laptop na nakumpiska mula sa mga ISIS fighters sa Derna.
Mula noon nangako si Cato sa pamilya ng apat na Filipino na hahanapin kung nasaan ang mga labi nito.
Pero dahil sa hindi stable na security situation sa Libya, hindi agad nakapagpadala ng team ang embahada sa Derna para mahanap ang apat na Pinoy.
Noong Oktubre, nagawang makabiyahe ng mga Embassy official patungong Benghazi at naahingi sila ng tulong sa mga otoridad para sa paghahanap.
At noong March 1, kasama ang Libyan military authorities ang mga opisyal ng Embahada ay nagtungo sa Dahr Ahmar Islamic Cemetery at doon natagpuan ang pinaglibingan kina Donato Santiago, Gregorio Titan, Roldan Blaza, at Wilson Eligue.
Ayon kay Cato sa tulong ng forensic experts ay tutukuyin ang pagkakakilanlan ng mga labi para matiyak na sila nga ang nakalibing sa nasabing sementeryo bago maiuwi sa kanilang pamilya sa Pilipinas.