Mahigit 600 huli sa paglabag sa curfew, at iba pang ordinansa sa Caloocan
Hindi bababa sa 625 city ordinance violators ang nahuli ng Caloocan City Police sa unang araw nang pagpapatupad muli ng 10pm to 4am curfew hours sa lungsod.
Maliban sa paglabag sa curfew, may mga nahuli rin dahil umiinom sa mga pampublikong lugar at ang iba ay walang suot na face mask habang nasa labas ng tahanan.
Ang mga nahuling lumabag ay dinala sa mga barangay covered court na malapit sa mga Police Sub-Station, kung saan sila inisyuhan ng violation ticket.
Binigyan din ng face mask ang mga nahuling walang suot nito.
Bago pinauwi ay muli rin silang pinaalalahanan at hinikayat na sumunod sa mga umiiral na ordinansa bilang bahagi ng patuloy na laban sa pandemya.
Ayon kay Caloocan Police chief Col. Samuel Mina, mahigpit na ipatutupad ng mga otoridad ang mga ordinansa base na rin sa direktiba ni Mayor Oca Malapitan.