Mahigit 400 OFWs patungong Saudi Arabia na-stranded sa NAIA
Umabot sa 464 na mga Overseas Filipino Workers patungong Saudi Arabia ang na-stranded sa NAIA.
Kasunod ito ng utos ng Department of Labor and Employment na pansamantalang suspindihin ang pagpapaalis ng mga OFW patungong Saudi Arabia.
Ayon kay DOLE – Information and Publication Service Dir. Rolly Francia, ang 464 na OFWs na na-stranded sa NAIA ay pawang paalis dapat ngayong araw patungong Dammam at Jeddah.
Dahil sa temporary suspension ng deployment hindi na sila pinayagang makasakay sa PAL flight at Gulf Air.
Pinayuhan naman ng DOLE ang mga na-stranded na OFWs sa NAIA na umuwi na lamang muna at muli silang aabisuhan kung kailan papayagan muli ang pag-alis ng mga OFW patungong KSA.
Ang temporary suspension ng deployment ay dahil sa bagong patakaran ng Saudi Government na ang mga OFWs dapat ang gagastos sa kanilang pagsasailalim sa COVID-19 protocols kabilang na ang pagbabayad sa quarantine facility.
Sinabi ni Francia na hindi dapat ipaako sa mga OFW ang gastusin sa COVID-19 health and safety protocols at ito ang naging basehan sa utos ni Sec. Silvestre Bello III na magpatupad ng suspensyon sa deployment.