Mahigit 20,000 PUV drivers sa buong bansa sumailalim sa orientation para sa service contracting program
Patuloy ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagsasagawa ng orientation para sa mga Public Utility Vehicle (PUV) drayber na nakapagrehistro sa Service Contracting Program.
Batay sa huling tala ng ahensya umabot na sa 20,245 PUV Drivers ang sumailalim sa orientation sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Kabilang dito ang mga driver ng Traditional Public Utility Jeepneys (TPUJ), Modernized Public Utility Jeepneys (MPUJ), at mga Public Utility Buses (PUB).
Narito ang bilang ng mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs) na sumailalim sa Service Contracting Program Orientation sa iba’t ibang rehiyon:
– NCR: 8,170
– REGION I: 1,000
– REGION II: 500
– REGION III: 787
– REGION IV: 1,407
– REGION V: 472
– REGION VI: 697
– REGION VII: 148
– REGION VIII: 163
– REGION IX: 542
– REGION X: 2,670
– REGION XI: 144
– REGION XII: 1,706
– CARAGA: 1,467
– CAR: 372
Ang orientation ay bahagi ng onboarding process ng programa na magbibigay-daan upang mas maintindihan ng mga drayber ang Service Contracting at mga salik nito.
Hinihikayat ang lahat ng kwalipikadong drayber na magrehistro upang maging bahagi ng programa.
Tatanggap ng walk-in registration mula Lunes hanggang Biyernes.
Magtungo sa tanggapan ng LTFRB Central Office sa East Avenue 4th Floor, Multi-Purpose Hall tuwing 10 AM, 1 PM, at 3 PM.
Dalhin at kumpletuhin ang mga sumusunod na requirements:
– Original at Photocopy ng Professional Driver’s License;
– Certification na pirmado ng operator na nagpapatunay na siya ay awtorisadong drayber ng idineklarang unit;
– Photocopy ng valid ID ng Operator (likod at harap) na may tatlong pirma ng operator;
– Photocopy ng OR/CR ng mimamanehong Jeep;
– Photocopy ng Certificate of Public Convenience.
Para sa mga interesadong driver mula sa ibang rehiyon, maaari makipag-ugnayan sa inyong LTFRB Regional Franchising and Regulatory Offices (RFRO) para makasali sa Service Contracting Program.
Alinsunod ang Service Contracting Program sa Republic Act No. 11494, o mas kilala bilang Bayanihan to Recover As One. Layon ng programa na masiguro na may maasahan at ligtas na pampublikong transportasyon para sa mga commuters.
Sa ilalim ng programa, libre din ang sakay para sa mga healthcare frontliners na patuloy na lumalaban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.