Lucena PNP hinirang na Outstanding City Police Station of the Year sa buong CALABRZON
Hinirang na Outstanding City Police Station para sa kasalukuyang taon ang Lucena City Police Station na siyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng hepe nito na si PLt. Col. Romulo Albacea.
Ang naturang parangal ay personal na tinanggap ni Albacea mula kay PRO4A Director PBrig. Gen. Eliseo Dela Cruz Cruz sa isinagawang culminating ceremony para sa 26th Police Community Relations Month na ginanap sa Camp Vicente Lim sa Calamba City.
Dahil sa natanggap na parangal ay inaasahan naman ni Albacea na mas tataas ang moral ng kapulisan na siyang magbibigay dagdag kasiglahan at kumpiyansa sa mga ito upang mas maging dedikado sa kanilang tungkulin na magbigay serbisyo sa mga Lucenahin.
Nagpaabot din naman ang hepe ng pasasalamat unang-una sa mga kapulisan ng lungsod dahil ang naturang parangal ay tanda lamang ng pagtupad ng mga ito sa kanilang sinumpaang tungkulin, kay Mayor Roderick Dondon Alcala dahil sa palagiang pagsuporta nito sa mga programa ng kapulisan, sa Sangguniang Panlungsod, sa mga mamamayan ng Lucena gayundin ang pagsaludo nito sa Police Regional Office ng Calabarzon sa pangunguna ni Cruz.
Ang Police Community Relations Month ay ipinagdiriwang taon-taon upang kilalanin ang mga nagawa ng PNP na sumesentro sa pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng kapulisan at komunidad.
Samantala ang naturang pagdiriwang para sa taon na ito ay may temang “Pulisya at Pamayanan, Barangayanihan sa Hamon ng Pandemya at Laban sa Krimen.”