LPA sa Cagayan magiging bagyo sa susunod na 36 na oras; papangalanang “Helen” ng PAGASA
Inaasahang magiging ganap na bagyo sa susunod na 36 na oras ang Low Pressure Area o LPA na binabantayan ng PAGASA sa bahagi ng Cagayan.
Ayon sa PAGASA, ang LPA ay huling namataan sa layong 135 kilometers east ng Tuguegarao City, Cagayan.
Sinabi ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurello, sa sandaling maging ganap na bagyo, papangalanan itong “Helen” ng PAGASA.
Maari aniyang dumaan ito ng Batanes ang bagyo.
Samantala, ang isa pang LPA na nasa kanlurang bahagi ng Central Luzon ay nalusaw na kaninang alas 2:00 ng madaling araw.
Habagat naman ang nakaaapekto sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao ngayong araw.
Sa weather forecast ng PAGASA, dahil sa Habagat at LPA, ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Aurora, Quezon, Metro Manila, nalalabing bahagi ng Central Luzon, MIMAROPA, buong Visayas, Zamboanga Penisula, Northern Mindanao at Caraga Region ay makararanas ng maulap na papawirin ngayong araw na may kalat-kalat na pag-ulan.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin naman ang iiral sa nalalabi pang bahagi ng Luzon at Mindanao.