Defense Sec. Delfin Lorenzana nagbigay-linaw sa isyung hindi sila nagkakasundo ni Pangulong Duterte sa usapin sa West Philippine Sea
Nagbigay-linaw si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga bali-balitang nagkaroon sila ng pagtatalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin sa West Philippine Sea.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Lorenzana na malinaw ang utos ng pangulo sa Defense Department na depensahan ang pag-aari ng Piliipinas nang hindi nakikipag-giyera sa China.
Hindi aniya totoo na hindi sila nagkakasundo ng pangulo sa usapin sa pananatili ng China sa karagatang sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ayon kay Lorenzana, nananatili ang kooperasyon ng Pililipinas at China sa iba’t ibang mga usapin na makapagbibigay benepisyo sa ating mamamayan.
Maari aniyang magpatuloy nang ganitong relasyon pero hindi naman dapat maisaalang-alang ang soberanya ng bansa.
Sinabi ni Lorenzana na bagaman alam ng pamahalaan na higit na mas malakas ang military capability ng China, hindi naman ito dahilan para hindi natin idepensa ang ating pag-aari.
Dahil dito ayon kay Lorenzana, magpapatuloy ang pagsasagawa ng military patrol sa West Philippine Sea at sa Kalayaan Island Group ng Philippine Coast Guard at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.