Lockdown sa tanggapan ng DOJ, tapos na
Matapos ang ilang araw na lockdown dulot ng mga kaso ng corona virus disease o covid 19, tuloy na ang pasok sa tanggapan ng Department of Justice o DOJ, bukas, Marso a-24.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ngayong araw ay tapos na ang onsite work suspension sa punong tanggapan ng DOJ.
Ayon sa kalihim, simula bukas, Marso 24 hanggang Abril 4, 2021 ay muling magbubukas ang operasyon ng kagawaran.
Ngunit nilinaw ng kalihim, na hanggang tatlumpung porsiyento lamang ng mga kawani ang papasok habang ang iba ay magpapatuloy sa work-from-home mode.
Nabatid sa kalihim na bumaba na ang bilang ng mga tinatamaan ng covid 19 sa kagawaran.
Matatandaang dalawang beses na sumailalim sa lockdown ang main office ng DOJ dahil sa maraming bilang ng personnel ang dinapuan ng covid 19.
Dahil dito ay isinailalim sa disinfections and sanitations ang mga tanggapan sa kagawaran. (by: Ricky Brozas)