Korean fishing vessel nasunog habang nasa karagatang sakop ng Catanduanes
Inasistihan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga crew ng isang Korean Vessel na nasunog sa karagatang sakop ng Catanduanes.
Lulan ng barko ang 34 na seafarers na kinabibilangan ng 22 Indonesians, 10 Koreans, at 2 Filipinos.
Nagkaroon ng sunog sa loob ng engine room ng Korean fishing vessel na FV No. 96 Oyang habang nasa karagatan ito ng Panganiban, Catanduanes noong Miyerkules (January 27).
Sa salaysay ng mga crew ng barko, galing sila sa Busan, South Korea at patungo sa Montevideo, Uruguay para magsagawa ng fishing operations.
Nagdeklara ng ‘abandon ship’ ang kapitan ng barko nang mangyari ang sunog.
Dinala sa Port of Cebu ang mga crew na pawang isinailalim sa swab test at saka dinala sa quarantine facility habang hinihintay ang resulta ng kanilang RT-PCR test. (D. Cargullo)