Kawani ng Caloocan City na inaresto ng NBI dahil sa extortion, sinibak na sa serbisyo

Kawani ng Caloocan City na inaresto ng NBI dahil sa extortion, sinibak na sa serbisyo

Sinibak na sa serbisyo ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang job-order worker na inaresto sa entrapment operation na isinagawa ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa inisyal na ulat na natanggap ng alkalde ang hinuling job-order worker na si Vince Noveno ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ay inirereklamo ng pangingikil sa isang ice plant sa lungsod.

Nangyari ang umano’y entrapment operation ng NBI habang nasa trabaho si Noveno sa North City Hall ngayong Biyernes ng tanghali.

“Hindi natin kukunsintihin ang anumang maling gawain ng ating mga kawani. Dapat makulong at matanggal sa serbisyo ang mga lingkod-bayan na mapapatunayang gumawa ng labag sa batas,” ani Mayor Oca.

Nakikipagugnayan na aniya ang pamahalaang lungsod sa NBI para malaman ang ibang detalye sa insidente.

Tinitiyak din ng alkalde na makikipagtulungan ang LGU sa NBI para masampahan ng kaso ang nahuling kawani.

Hinihikayat naman ni Mayor Oca ang mga mamamayan na i-report ang mga ganitong uri ng gawain upang kaagad na matanggal sa serbisyo ang mga mapapatunayang lumabag sa batas.

“Wala pong lugar ang katiwalian sa ating Pamahalaang Lungsod. Wala po tayong sisinuhin pagdating sa ganitong usapan. Bilang mga lingkod-bayan, tayo ang dapat maging mabuting halimbawa sa mga mamamayan,” ani Mayor Oca.

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *