Kauna-unahang Good Housekeeping Award” nakamit ng Manila City LGU
Ipinagmalaki ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na matapos ang sampung taon ay nakamit din ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang kauna-unahang Good Financial Housekeeping recognition o pagkilala mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa DILG Manila Field Office, ito ang kauna-unahang pagkakataon na magawaran ang Maynila ng Good Financial Housekeeping recognition mula nang i-assess ng DILG ang financial housekeeping efforts ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.
Sinabi ni Domagoso na patunay lamang ito na financially transparent o tapat at matalino sa paggastos ng pondo ang Lungsod ng Maynila sa nakalipas na taon.
Tiniyak ng alkalde na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay mas magiging maayos ang performance ng pamahalaang lungsod at titiyakin a ang pondo ay maayos na nagagamit sa pagkakaloob ng serbisyo sa mga residente ng Maynila gaya ng pagpapaunlad ng healthcare facilities, pagpapataas ng kalidad ng nutrisyon ng mga Batang Maynila at sa pagtatatag ng iba pang mga pasilidad para sa pakinabang ng lahat.
Ang Good Financial Housekeeping Award ay isa sa mga rekisito na dapat makuha ng LGU upang magawaran ng Seal of Good Local Governance (SGLG).
Ang SGLG ay isang award, insentibo, karangalan, at recognition-based program para sa lahat ng LGUs at commitment para sa LGUs upang patuloy na umunlad at humusay ang pamumuno.
Bago pagkalooban ng SGLG, pinag-aaralan muna ng DILG ang iba pang areas ng local governance gaya ng Disaster Preparedness, Social Protection, Peace and Order, Business Friendliness and Competitiveness at ang Tourism, Culture and Arts nito.
Ayon naman kay DILG Manila Field Office director Atty. Rolynne Javier, ang SGLG award ay patunay sa bawat Batang Maynila na ang namamahala sa kanila ay matino, mahusay at maaasahan.
Ngayong buwan ng Oktubre ay Local Government Month at ang sertipikasyon aniyang ito ay katunayan na ang LGU ay maaaring maging mas mahusay araw-araw lalo pa at may mga lider na ang vision ay gawing dakila ang kanyang lungsod.