Kasunod ng pananalasa ng Habagat, dolomite sa Manila Bay “intact” ayon sa DENR
Nananatiling “intact” ang dolomite sa Manila Bay na bahagi ng Beach Nourishment Project ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kasunod ito ng mga psot sa social media na na-wash out ang dolomite dahil sa pananalasa ng Habagat at nasayang lamang ang perang ginastos para dito ng gobyerno.
Ayon sa pahayag ni DENR Sec. Roy Cimatu, matapos ang isinagawa nilang assessment Martes (July 27) ng umaga, ay nakitang intact ang dolomite at ang geotubes at geotextiles sa lugar.
Hindi aniya totoong na-wash out ang dolomite sand. Ang dolomite pebbles naman ay nadala lamang sa bahagi ng perimeter ng beach area.
Dahil naman sa high tide, tinangay ng agos ng tubig ang mga basura na galing sa Pasig River at Cavite.
Kabilang sa nakulektang mga basura ay mga plastic cups, wrappers at styropor.
May mga nakuha ding bamboo poles na galing sa mga fish pens at fish cages.
Kaugnay nito ay inatasan ni Cimatu si Executive Director Nilo Tamoria ng DENR Region 4A (CALABARZON) na agad magsagawa ng kumpletong inventory of sa lahat ng fish pens, fish cages, baklads o sapras sa Cavite.
Ang mga mayroong permit para mag-operate ay kailangang agad magsagawa ng repair sa mga nasira nilang fish pens at fish cages.
Habang babaklasin naman ang mga fish pens at fish cages na walang permit.